About the Journal
Dalúm: Isang Interdisiplinaryong Journal ng Filipino ay ang opisyal na peer-refereed journal sa wikang Filipino ng Jose Maria College Foundation, Inc. (JMCFI). Itinatag ito upang maging pangunahing daluyan ng mga makabago, makabuluhan, at makabayang pananaliksik na gumagamit ng wikang Filipino bilang wika ng diskurso at paglikha ng karunungan. Layunin ng journal na palalimin ang diskurso sa iba’t ibang larangan gamit ang wikang Filipino, habang pinauunlad ang kaalaman na nakaugat sa karanasan, kultura, at lipunang Pilipino.
Pokús at Saklaw
Tinatanggap ng Dalúm ang mga interdisiplinaryong pananaliksik mula sa iba’t ibang larangan ng pag-aaral, kabilang ang sumusunod:
-
- Edukasyon at Pedagohiya
- Agham Panlipunan (sosyolohiya, kasaysayan, agham pampulitika, antropolohiya, sikolohiya)
- Wika, Panitikan, at Kulturang Bayan
- Araling Pilipino at Araling Panrehiyon
- Karapatang Pantao, Katarungan, at Pakikibaka
- Relihiyon at Pilosopiya
- Agham at Teknolohiya sa Kontekstong Pilipino
- Midya at Komunikasyong Filipino
- Pananaliksik na Komunidad, Katutubo, at Mapagpalaya
- Kasarian, Klima, Kalikasan, at Kaunlaran
Misyon
Ang Dalúm ay may layuning:
- Itaguyod ang wikang Filipino bilang wika ng akademya, pananaliksik, at kritikal na pag-iisip;
- Magbigay ng bukás at inklusibong espasyo para sa mga iskolar, guro, mananaliksik, at tagapagsulong ng wika at kultura;
- Maglathala ng mga pananaliksik na tumutugon sa mga kontemporaneong isyu at nagbibigay ng lokal na pananaw sa pandaigdigang diskurso;
- Mag-ambag sa pagbubuo ng makabuluhang pamana ng kaalaman para sa susunod na henerasyon.
Patakaran sa Open Access
Ang Dalúm ay isang open access journal. Lahat ng artikulo ay malayang ma-access, ma-download, at maibahagi ng sinuman, saanman sa mundo, nang walang bayad o restriksyon sa pagbabasa. Layunin nitong palawakin ang akses sa kaalaman, lalo na para sa mga institusyong walang kakayahang mag-subscribe sa mamahaling journal databases.
Patalastas sa Karapatang-Ari (Copyright Notice)
Lahat ng artikulo sa Dalúm ay inilalathala sa ilalim ng Creative Commons Attribution 4.0 International License (CC BY 4.0). Pinahihintulutan ang paggamit, pamamahagi, at pagbabago ng mga nilalaman ng artikulo basta’t angkop na pagkilala ang ibinibigay sa orihinal na may-akda at sa journal.
Pampubliko at Pampinansyal na Suporta (Publisher and Sponsorship Disclosure)
Ang Dalúm ay inilalathala ng Jose Maria College Foundation, Inc. – Research Development and Publication Office (RDPO). Ang RDPO ang nagbibigay ng suportang teknikal at pampinansyal upang matiyak ang pagpapatuloy, kalidad, at bukás na akses ng publikasyon.
Dalas ng Isyu (Frequency of Issue)
Ang tomo ng Dalúm ay inilalathala dalawang beses kada taon. Ang unang isyu ay inilalabas tuwing Sityembre at ang ikalawang isyu ay inilalathala sa Marso ng sumunod na taon.
Pahayag sa Pribasiya (Privacy Statement)
Iginagalang at pinangangalagaan ng Dalúm ang pribadong impormasyon ng mga may-akda, tagasuri, at mambabasa. Ang lahat ng personal na datos na makokolekta ay gagamitin lamang para sa layunin ng pamamahala ng journal at hindi isisiwalat sa sinumang ikatlong partido nang walang pahintulot.
Sistema ng Arkibo (Archival System)
Ang Dalúm ay gumagamit ng LOCKSS (Lots of Copies Keep Stuff Safe) at CLOCKSS (Controlled Lots of Copies Keep Stuff Safe) archival systems upang matiyak ang pangmatagalang pangangalaga at accessibility ng lahat ng artikulong inilalathala. Sa ganitong paraan, nasisiguro ang digital preservation ng nilalaman ng journal para sa kasalukuyan at mga susunod na henerasyon ng mambabasa.